Umaasa si AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na maaprubahan ng Kamara ngayong taon ang coco levy fund bill na na-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero.
Sinabi ni Garin, chairman ng technical working group (TWG) na magsasama-sama ng 16 na coco levy funds na nakahain sa Kamara, na magkikipag-ugnayan sila sa Presidential Legislative Liaison Office upang maiwasan nang ma-veto ulit ng Pangulo ang naturang mga panukala.
“I cannot say the timeline pero I do think that we can have this deliberated and approved within the year,” ani Garin.
Ayon kay Garin, posibleng simulan nila ang TWG meetings pagsapit ng break ng Kongreso, na magsisimula sa Oktubre 5.
Hanggang noong Hulyo 31, 2019, ang cash component ng coco levy assets sa Bureau of Treasury ay nasa P76,363,780,049.43, ayon kay Asset Management Service Director Eduardo Mariño.
Sinabi naman ni Presidential Commission on Good Government acting chairperson Reynaldo Munsayac, bukod sa P76 billion, mayroon ding nasa P300 billion na coco levy assets gaya ng mga properties at cash sa mga government corporations.
Magugunitang naaprubahan noong 17th congress ang panukala para sa coco levy fund, na naglalayong magtatag ng P10 billion “jumpstart fund” para sa exclusive use ng mga coconut farmers at ng coconut industry.
Subalit na-veto ito ni Pangulong Duterte dahil sa kulang daw ito sa “vital safeguards” para maiwasan ang mga kamalian sa nakaraan.