Kinumpirma ng dating bodyguard-driver ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na “Superman” ang call sign ng dating mayor ng Davao City.
Ang sinabi ng retiradong pulis na si Sanson Buenaventura ay mistulang pagkumpirma sa mga naging pahayag ng ilang personalidad gaya ng mga dating miyembro ng kinatatakutang Davao Death Squad (DDS).
Si Buenaventura, na naging bodyguard at driver ni Duterte mula 1988 hanggang 2008, ay tinanong ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa pagdalo nito sa pagdinig ng Quad Committee ng kamara de Representantes noong Huwebes.
Sinabi ni Buenaventura na Superman ang tawag kay Duterte ng ilang grupo sa Davao City.
Nang usisain ni Luistro, sinabi ni Buenaventura na wala itong alam sa sinasabing DDS at media lamang umano ang gumawa ng tawag na ito.
Ipinaalala naman ni Luistro ang naging pahayag ni Duterte sa pagdinig ng Senado kung saan sinabi nito na mayroong DDS.
Sa pagtatanong ni Luistro, inamin ni Buenaventura na loyal ito kay Duterte.
Ang pangalan ni Buenaventura ay ilang ulit na nabanggit sa mga testimonya ng iba’t ibang tao na nagsalita kaugnay ng DDS.
Sinabi ng self-confessed DDS hitman na si Arturo Lascañas, sa kanyang affidavit noong 2017, na si Buenaventura ay mayroong malaking papel sa DDS at siyang responsable sa logistik at pananalapi at nagsisilbing liaison upang maiparating ang mga utos ni Duterte.
Ayon kay Lascañas si Buenaventura ang nagbababa ng mga utos ni Duterte gaya ng mga papataying indibidwal.
Sa affidavit naman ng isang “Jose Basilio” inilarawan nito si Buenaventura bilang operational “big boss” ng Heinous Crime Investigation Section, na nasa likod umano ng pagbibigay ng clearance sa operasyon ng DDS na tumatarget sa mga kriminal.
Ayon kay Basilio ang mga utos mula kay Buenaventura ay pinaniniwalaang nagmula kay Duterte kaya sinusunod ito ng mga miyembro ng DDS.
Nabanggit din ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Royina Garma si Buenaventura na siya umanong nagbibigay ng P20,000 reward sa mga station commander sa bawat napapatay nilang drug suspect.