-- Advertisements --

Naniniwala si dating Senator at Justice Secretary Leila de Lima na may alam din si PLtCol. Jovie Espenido sa umano’y pagdawit sa kaniya noon sa kalakalan ng ilegal na droga.

Ginawa ni de Lima ang pahayag kasunod na rin ng testimonya kahapon ni self-confessed drug lord Kerwin Espinosa sa pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes.

Naniniwala si de Lima na bagamat dati nang tumestigo si Espenido sa mga nakalipas na pagdinig ng Quad Comm, marami pa itong nalalaman ukol sa mga iregularidad sa kampaniya kontra iligal na droga ng nakalipas na administrasyon.

Partikular na tinukoy ng dating Senadora ang unang mga pahayag ni Espenido noong panahon ni dating PRRD na umano’y illegal drug protector si de Lima.

Maaalalang sa unang pagtestigo ni Espenido sa Quad Committee ay inamin nito ang umano’y planadong pagpatay sa illegal drugs personalities sa ilalim ng ‘qouta and reward system’ na ipinatupad ng PNP.