Nanawagan ang isang kongresista sa pamahalaan na ilista ang lahat ng available na cold chain logistics solutions sa bansa kabilang na ang pagmamay-ari ng mga pribadong kompanya para bago pa man ang pagdating ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Sinabi ni Deputy Speaker Johnny Pimentel na kailangan na magkaroon ng malawakang cold storage assets kagaya na lamang ng mga temperature-controlled refrigerated trucking services at maraming supply ng dry ice para sa pagbakuna sa unang batch ng 35 million na Pilipino.
Ayon kay Pimentel, malaking hamon ang logstics sa bansa lalo pa at dalawang shots ng bakuna ang kakailanganin na may pagitan na 19 hanggang 42 araw.
Sa ngayon, ang “most promising” COVID-19 vaccine na sinasabing 95 percent effective, ay kailangan na iimbak sa napakababang temperatura na puno ng dry ice.
Kaya nga ang American pharmaceutical giant na Pfizer katuwang ang German biotech firm na BioNTech SE ay idinisenyo ang kanilang distribution containers na may temperatura na negative 70 degrees Celsius sa loob ng 10 araw kung hindi buksan.
Ang mga distribution containers na ito ay maaring gawing temporary storage sa isang vaccination facility, gaya ng isang ospital, sa loob ng 30 araw basta ay napapalitan ang dry ice na gamit sa loob ng kada limang araw.
Sinabi ni Pimentel na ang mga bagay na ito ang dapat na paghandaan ng Inter-Agency Task Force for the Managment of Emerging Infectious Diseases para makamit ang ninanais na mabakunahan kaagad ang ilang milyong mga Pilipino, lalo na ang mga itinuturing vulnerable gaya ng mga healthcare workers, mga senior citizens at may mga may sakit
Sa ngayon, ang Department of Health lamang ang taning mayroong bulk cold storage facility.