Iginiit ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi umano dapat na isawalang bahala ang “collateral damage” sa operasyon ng pulisya.
Reaksyon ito ng CHR kasunod ng pagkamatay ng tatlong taong gulang na batang si Myka Ulpina na nabaril sa kasagsagan ng engkuwentro sa pagitan ng umano’y mga tulak ng droga at mga pulis sa Rodriguez, Rizal.
Si Myka ay anak ng target ng operasyon na si Renato Dolorfina.
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia, dapat imbestigahan ang operasyon ng pulisya upang mapatunayan kung nagawa ang mga hakbang para hindi magkaroon ng pagkakamali sa operasyon.
Pinaalalahanan din ng CHR ang gobyerno lalo na ang mga otoridad na mandato ng mga ito na siguruhing natutupad ang Konstitusyon.
Una nang sinabi ng PNP na ginamit daw ng suspek ang anak bilang human shield laban sa pamamaril ng mga pulis, bagay na itinanggi ng ina ng bata.