KALIBO, Aklan- Pinaboran ng mga negosyante sa isla ng Boracay ang collector drain project na isinusulong ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na ipapagawa sa beach front.
Ayon kay Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) General Manager Dir. Natividad Bernardino, layunin umano nito na maiwasan ang surface run-off o maruming tubig na umaapaw mula sa dating sewer manhole malapit sa beach front papunta sa dagat.
Aniya, marami pang mga establisyimento sa beach front ang hindi nakahiwalay ang kanilang rain water pipe sa waste water pipe na umaagos papuntang septic tank kaya nais umano nila itong masolusyunan sa mas madaling panahon.
Aminado naman si Bernardino na matatagalan ang pagsisimula ng kanilang proposed project kung hihintayin pa ang pondo mula sa national government dahil wala umano silang standby na pondo.
Kaugnay nito, iminungkahi nila sa mga bussiness owners na sila na ang gumastos upang masimulan kaagad ang naturang proyekto kung saan, kapakanan umano ng kanilang negosyo ang nakasalalay dito.
Malaki aniya itong problema sa isla sakaling hindi ito masolusyunan kaagad lalo na ngayong pumasok na ang panahon ng tag-ulan.