KALIBO, Aklan – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya makaraang pinagbabaril-patay ang isang kolektor ng micro finance sa Sitio Balisong, Barangay Pampango, Libacao, Aklan.
Kinilala ang biktimang si Jhon Rey Sabues-Modera, 24, residente ng Barangay Anabo, Limery, Iloilo ngunit kasalukuyang nagtatrabaho sa nasabing lending company na nakabase sa Barangay Linabuan Sur, Banga, Aklan.
Ayon kay Police Captain Willan Aguirre, hepe ng Libacao Police Station na batay sa kanilang paunang imbestigasyon, tinambangan ang biktima ng dalawang naka-bonet na lalake.
Kaagad pinahinto, pinagbabaril at saka tinangay ang dala nitong bag na naglalaman ng malaking pera mula sa mga ibinayad ng kliyente sa dalawang barangay sa naturang bayan.
Nakitaan ng malubhang sugat ang biktima sa kaliwang balikat na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.
Patuloy naman ang pagkalap ng pulisya ng iba pang impormasyon para sa pagkakilanlan ng mga suspek na ayon sa ilang saksi ay tumakas papuntang bundok.