-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Hindi na nakaabot ng buhay sa Aklan Provincial Hospital ang isang motorcycle rider matapos pagbabarilin dakong alas-8:30 ng umaga, araw ng Martes ng hindi pa matukoy na riding-in-tandem sa Barangay Caano, Kalibo, Aklan.

Kinilala ang biktima na si Juluis Cuesta, 31, collector ng isang motorcycle dealer at residente ng Barangay Tambak, New Washington, Aklan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon Kalibo Municipal Police Station, tinamaan ng bala sa ulo ang biktima na tumagos sa kaniyang suot na helmet.

Nakatakas naman ang hindi pa nakilalang mga suspek na lulan ng isang motorsiklo.

Ayon sa ilang testigo, nakarinig sila ng putok ng baril at kalaunan ay nakita ang biktima na duguan at nakabulagta sa kaniyang sinasakyang motorsiklo.

Papasok na sana sa trabaho ang biktima nang mangyari ang krimen.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang sa likod ng pamamaril at ang posibleng motibo sa insidente.