-- Advertisements --

CEBU CITY – Hindi lamang isang beses na tagumpay ang kahusayan kundi isang panghabambuhay na hangarin at ang kanyang pinakabagong nakamit ay isang testamento sa kanyang hindi natitinag na dedikasyon sa larangan ng electronics.

Pinapatunayan pa ito ni Engr. Allan Pangan na nagtapos at kasalukuyang college instructor ng Cebu Institute of Technology – University matapos itong maging topnotcher sa kamakailang inilabas na resulta ng April 2025 Electronics Technicians Licensure examination na may 95% rating.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Pangan, ibinahagi nito na taong 2001 pa lamang ay lisensyadong electronics engineer na siya at dati pa man ay goal na talaga nitong kumuha ng nitong exam at ngayong taon lang nagkaroon ng mahabang oras.

“At first, ang nasa isip ko after the board examination, basta ma top lang Kahit hindi lang top 1,” saad ni Pangan.

Kwento pa nito na nakatanggap siya ng balita ng kanyang pangunguna sa ranking habang pasakay ng flight papuntang Manila para samahan ang kanyang mga estudyante sa isang quiz bowl competition.

Inakala pa nito nung una na nagbibiro lamang ang mga ito ngunit kalaunan naman ay kinumpirma ng kanyang asawa.

Sa kabila pa ng pagiging ama sa 4 na anak at pagtuturo sa mga estudyante, malaking advantage pa umano ang humigit-kumulang 24 taong karanasan nito sa pagtuturo maging sa mga laboratory classes para masagot ng tama ang board exam at mag Topnotcher.

“As a teacher sa college and naging reviewer din ako sa isang review center sa electronics engineering, sa akin lang more on reading na lang talaga. Back to basic,” dagdag pa nito.

Aniya, isang buwan bago ang nakatakdang board exam ay ang tanging ginawa nito ay ang nagpokus sa pagbabasa ng Philippine Electronics Code, ECE laws, at DC & AC machines.

Aminado naman ang 45 anyos na malaking hamon sa kanya ang pag-manage sa oras, gayunpaman, parang nabawasan na rin umano ito dahil sa supportive nitong pamilya.

Idinagdag pa nito na isa sa kanyang mga rason para kumuha ng Electronics Technician (ECT) exam ay upang magbigay-inspirasyon sa kanyang mga anak at mga estudyante.

Matapos pang nalaman ng kanyang mga estudyante na kumuha siya ng exam at nagTop 1 ay balak din ng mga itong magtake ng ECT na nakatakda sa darating na Oktubre.

Payo naman nito sa mga mag-take ng board exam na magpokus sa panahon ng review, magbasa, at maglaan ng oras para magreview.

Sa ngayon, balak naman nitong mag-apply bilang ASEAN engineer bukod sa nais din nitong makatulong sa mga estudyanteng makapasa sa board exam.