VIGAN CITY – Nakakalap ng pondo para sa mga frontliners sa laban kontra coronavirus disease 2019 ang isang college instructor sa lalawigan ng Ilocos Sur sa pamamagitan ng pagpinta nito ng larawan ng orchids kasama ang kapatid.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Dr. Jeff Reburon, isang Doctor of Philosophy in Nursing at isang midwifery instructor sa Ilocos Sur Community College, sinabi nito na mga orchids ang naisipan nilang ipinta ng kaniyang kapatid habang nasa loob ng kanilang bahay dahi sa enhanced community quarantine.
Base kasi aniya sa Greek mythology ay simbolo ito ng kahalagahan ng pagmamahal at tibay ng loob na siyang pangunahing kailangan umano sa mga ganitong panahon.
Noong una umano ay dinadalhan nito ng pagkain ang mga kaibigan na frontliners ngunit simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine ay natigil ito.
Sa unang batch nang naibenta nilang mga paintings ay nakakalap sila ng P5,040 kaya ipinagpatuloy ito hanggang sa nakatipon na ng P22,000.
Mula sa nasabing halaga, nakabili sila ng 200 piraso ng reusable face mask at 200 piraso ng face shield at gloves.
Sa ngayon, gumagawa pa rin umano sila ng orchids painting dahil marami pa ang nangako na bibilhin nila ang mga ito para makatulong sa mga frontliners.