-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Inihatid na sa huling hantungan ang isang college student na pinatay matapos na agawan ng motorsiklo sa Barangay Titulok, Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Kinilala ng mga otoridad ang pinaslang na estudyante na si Rygan Caracol, single, 1st Year College Student at residente ng Barangay Baluan, Palimbang, Sultan Kudarat.

Ayon sa Bagumbayan PNP, tama ng bala sa kamay at ulo ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Matatandaan na sa imbestigasyon ng pulisya pauwi na sana mula sa paaralan si Caracol ng pinara ito at inagaw ng hindi pa nakikilalang mga motornapper ang kanyang minamanehong motorsiklo at pinagbabaril pa ito.

Sa ngayon ay wala pang linaw kung sino ang mga suspek sa nangyaring pagpatay sa estudyante ng Sultan Kudarat State University ngunit may sinusundan na umanong persons of interest ang mga otoridad

Nagdadalamhati naman ang pamilya ng biktima sa kalunos-lunos na sinapit nito at halos hindi matanggap ang pangyayari.

Bumuhos naman ang emosyon ng mga magulang at kaanak nito sa paglibing sa biktima.