-- Advertisements --

Iniulat ng Commission on Higher Education (CHED) na maaari nang magsagawa ng limitadong face-to-face classes ang lahat ng mga degree programs sa susunod na buwan.

Ito’y hangga’t nakakasunod sila sa mga alituntunin sa muling pagbubukas ng “in-person” classes.

Ayon kay CHED Chairman Popoy De Vera, ang expanded face-to-face classes ay pandagdag sa orihinal na limited face-to-face para sa medical and allied health sciences, engineering, tourism at maritime na unang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ilalim aniya ng pinalawak na limitadong face-to-face classes, maaaring muling buksan ng mga higher education institution (HEIs) ang kanilang mga campus sa ilalim ng ilang kondisyon kabilang ang pagiging fully vaccinated laban sa Coronavirus Disease 2019.

Para sa mga HEI, ipinaliwanag ni De Vera na dapat silang makasunod sa mga kinakailangang minimum public health standard sa pamamagitan halimbawa ng pag-retrofit ng kanilang mga pasilidad.

Isa pang konsiderasyon ay ang koordinasyon o pagsang-ayon ng mga lokal na pamahalaan.

Ipinaliwanag nito na maaari na ngayong mag-apply ang mga HEI sa limited face-to-face classes sa lahat ng degree program sa limitadong kapasidad na 50 percent basta’t sumusunod sila sa mga requirements na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force.

Samantala, nilinaw ni De Vera na lilimitahan ito sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2 at pababa.