KORONADAL CITY – Inihalintulad sa isang ghost town ngayon ang Colombo, Sri Lanka matapos ang pambobomba sa ilang mga simbahan at hotels noong Easter Sunday.
Napag-alaman na karamihan sa mga residente malapit sa pinangyarihan ng bombings ay lumikas kasunod ng insidete dahil sa takot na mangyari ulit ito.
Sa ngayon nasa 1,000 security personnel ang ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng Colombo.
Nagsanib puwersa naman ang militar at pulis sa pagsasagawa ng combined operations laban sa iba pang mga suspek sa itinuturing deadliest attacks sa Sri Lanka.
Kaugnay nito, iniulat ni Bombo international correspondent Narada Dissanayake, tagapagsalita ng Sri Lanka Freedom Party, itinuturing na isang religious attack ang nangyari dahil halos lahat ng mga namatay ay Kristiyano at isinabay pa sa selebrasyon ng Easter Sunday.
Sa ngayon nananatiling sarado ang maraming pamilihan sa Colombo at mangilan-ngilan lang na mga sasakyan ang makikita sa mga pangunahing daan.
Nagdeklara na rin ng Day of Mourning sa bansa matapos pumalo na sa halos 300 ang patay habang nasa mahigit 500 ang sugatan at may mga naitala pang mga missing.