Malaking kawalan umano para sa Philippine men’s basketball team ang hindi pagkakasama ni Fil-Am NBA guard na si Jordan Clarkson sa line-up na sasabak sa 2019 FIBA World Cup.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa batikang sports columnist na si Homer Sayson, malaking tulong daw sana para sa Gilas Pilipinas ang perimeter shooting ni Clarkson.
Paniwala si Sayson, kung pinayagan lang sana na makapaglaro si Clarkson ay lalaki nang husto ang tsansa ng Pilipinas na mapataob ang Italy na isa sa mga itinuturing na powerhouse team sa Europe.
“Without Jordan Clarkson, without that perimeter player who can create his own shot, who can penetrate that man to man, kasi you need a shot creator. Otherwise they can just box here ‘yung mga players natin,” ani Sayson.
Gayunman, dapat na lamang daw itong unawain dahil may mga NBA teams daw talaga na nagdadalawang-isip na paglaruin ang kanilang mga players sa FIBA.
Una nang isinama si Clarkson sa 19-man pool ng Gilas dahil sa posibilidad na papayagan itong maglaro bilang local.
Ngunit na-classify si Clarkson ng FIBA bilang isang naturalized player dahil nakakuha na ito ng Philippine passport edad na 16-anyos pataas.
Sang-ayon sa panuntunan ng basketball body, isang naturalized player lamang ang papahintulutan sa bawat isang koponan.