Nagpapagaling na lamang ang American stand up comedian na si Darryl Lynn Hughley matapos na kapitan ng coronavirus noong nakaraang buwan.
Sa ulat ng TMZ, nilinaw ng actor at radio host na nasa huling bahagi na siya ng kanyang quarantine.
Maari aniya na ang nangyaring nawalan siya ng malay kamakailan ay may kinalaman din dito at dala rin ng dehydration at pagkapagod.
Nasisi naman ni Hughley ang kanyang sarili dahil lahat ng kanyang miyembro sa radio show ay nagpositibo rin sa COVID-19 kabilang ang kanyang dalawang co-host at anak na lalaki.
Swerte naman na ang kanyang anak na babae ay hindi niya nahawa na lagi raw nakasuot ng face mask.
Sa ngayon wala naman daw sintoma ng sakit ang 57-anyos na author at wala rin siyang lagnat o pag-ubo.
Naniniwala rin ito na nakuha niya ang COVID-19 habang bumibista siya sa Dallas, Texas na maluwag ang public safety guidelines kumpara sa ibang estado.