-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpasalamat ang hepe ng Daraga Municipal Police Station na walang malaking election-related incident na nangyari sa bayan sa kasagsagan ng eleksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt/Col. Rodelon Betita, sinabi nitong mananatili pa rin umano sa ilalim ng Comelec control ang bayan ng Daraga hanggang sa matapos na ang election period sa Hunyo 12.

Ayon kay Betita, nananatiling mahigpit ang ipinapatupad na seguridad sa lugar habang naka-alerto pa rin ang lahat ng pulisya.

Isinailalim sa Comelec control ang bayan matapos ang pagpaslang kay AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe at sa kanyang police escort noong nakaraang taon.

Samantala, hanggang sa ngayon ay nanatili pa rin sa kulungan ang itinuturong mastermind sa krimen na si dating Daraga Mayor Carlwyn Baldo na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong murder, anim na bilang ng frustrated murder at illigal possesion of firearms and explosives.