Tulad ng inaasahan, nagpatagisan sa kani-kanilang opinyon mula sa iba’t ibang paksa ang pito mula sa siyam na kandidato sa pagka-bise presidente.
Sa unang round na mayroong 90 segundo, naitanong sa mga mga vice presidential candidates kung ano ba ang dapat na maidagdag sa kapangyarihan o responsibilidad kapag naamyendahan ang Konstitusyon.
Sa pangalawang round, naitanong ang patungkol sa sitwasyon ng pandemya sa bansa partikular kung paano ito susuportahan.
May “rebuttal” na rin pagdating sa paksa hinggil sa kung sapat ba ang P200 na ayuda para sa mga mahihirap na pamilya sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin kabilang na rin ang krudo.
Ang pagkakasunod-sunod na pagsagot ng vice presidentiables ay basi sa naging bunutan ng mga kinatawan ng mga ito bago magsimula ang debate:
- Manny Lopez
- Doc. Willie Ong
- Sen. “Kiko” Pangilinan
- Atty. Carlos Serapio
- Senate Pres. “Tito” Sotto
- Prof. Walden Bello
- Rizalito David
No show naman sa inorganisang debate ng Commission on Elections (Comelec) sina Rep. Lito Atienza dahil sa medical reason kung saan nagrerekober pa ito mula sa knee surgery, at si Mayor Inday Sarah Duterte sa hindi nabanggit na dahilan.
Samantala, magkakaroon pa ng pangalawang round ng Presidential Debates sa darating na April 3. Habang itinakda naman ang pangalawang vice presidential debate sa April 23 at ang third presidential debate sa April 24 na kapwa town hall format.
Una nang inihayag ni COMELEC spokesman James Jimenez na ang town hall format ay yaong mayroong audience na mabibigyan ng pagkakataon para makapagtanong sa mga kandidato.
Una rito, ilang oras bago ang debate kahapon ay nasilip ng Bombo Radyo na puspusan ang lugar na sa paghahanda at pinaganda pa ang entablado para maging komportable ang inaasahang mainitang debate.
Sa lawak ng lugar na ito na tent na nasa bahagi din ng Cultural Center of the Philippines complex at malapit sa Manila Bay, may kanya-kanyang holding room na inihanda para sa mga kandidato.