Ibinunyag ng Commission on Elections sa Central Visayas na nasa 70% na umano ang kanilang kahandaan para sa nalalapit na 2025 National & Local Elections sa darating na Mayo.
Ito ang naging kasagutan ni Regional Director Atty. Francisco Pobe sa pagtatanong ng Star Fm Cebu at sinabing “on top” umano ang kanilang tanggapan sa lahat ng mga kinakailangang requirements at paghahanda sa naturang halalan.
Sinabi pa ni Pobe na siniguro din ng kanilang tanggapan na ang lahat ng mga aktibidad na may kinalaman sa halalan ay pasok sa kanilang scheduled timeline.
Pagtitiyak din nito na ang kanilang mga itinalagang komite gaya na lamang ng kontra-bigay, kontra-baklas, at iba pang komite na mangangasiwa sa kasagsagan ng eleksyon ay maayos at malinis na maipatupad upang maiwasan at masugpo ang lahat ng illegal na aktibidad sa mga araw na nabanggit.
Samantala, mahigpit namang pinaalalahanan nito ang mga botante na huwag gumamit ng kahit anumang gadget sa loob ng voting precinct upang maiwasan ang pag-leak ng mga impormasyon o larawan ng mga pulitikong binoto.
Dagdag pa rito na pinahihintulutan ang bawat botante na gumamit ng kodigo sa loob ng hanggang 3-4 minuto lamang ngunit siguraduhin na ito ay personal lamang at hindi galing sa kahit na anumang partido.
Sinabi pa nito na hindi papayagan ang mga hindi rehistradong botante na pumasok sa loob ng paaralan o sa mga presinto upang gumala o maki-usyoso sa mga boboto at sa kanilang mga binoto.
Binigyang linaw din nito na posibleng ikonsidera ng ahensya na vote-buying o vote-selling ang bawat kodigo na ibabalandra sa loob ng perimeter ng pagbobotohan.