Tuloy-tuloy daw ngayon ang pakikipag-ugnayan ng Commission on Elections (Comelec) sa mga financial institution para tulungan silang i-monitor ang mga transaksiyon ng kanilang mga kliyente dahil na rin sa umano’y paglaganap ng digital vote buying sa panahon ng halalan.
Sa General Membership Meeting ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, aminado si Comelec Spokesperson James Jimenez na hirap silang i-monitor at ma-control ang digital vote buying dahil na rin sa dami ng mga botante at sobrang dali na lamang ang transaksiyon gamit ang moblie wallet application gaya ng G-cash.
Aniya, mahalagang matutukan dito ang mga mayroong inilagay na malaking halaga ng cash sa kanilang mobile wallet application saka ito magta-transfer ng pera sa iba’t ibang account gamit lamang ang mga maliliit na halaga.
Iginiit nitong puwedeng kasuhan ang mga mapapatunayang sangkot sa paggamit ng ganitong uri ng transaksiyon.
Una rito, inalerto na rin ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga bangko at financial institutions na masusing magbantay at mag-monitor ng husto sa malakihang mga transactions na posibleng maging bahagi ng money-laundering at vote-buying activities sa panahon ng halalan.
Ang inilabas na advisory ng AMLC ay bunsod na rin ng inaasahang pagbuhos ng mga financial activitis sa kasabay ng election period.
Ipinaalala rin ng AMLC na ang matutukoy na mga personalidad na masasangkot sa “dirty money” ay dapat magsagawa ng “customer due diligence measures” na nakapaloob sa Anti-Money Laundering Act of 2001.
Nilinaw pa ng AMLC na maliban sa mga bangko, kabilang din sa kanilang inaalerto ang mga financial institutions katulad ng mga pawnshops, foreign exchange dealers, money changers, money changers at remittance companies, jewelry dealers, casinos, offshore gaming operators at mga real estate brokers at developers.
Samantala, sa nalalapit na pagsasagawa ng Comelec ng kanilang mga debate para sa mga kumakandidato sa pagka-presidente at bise presidente, sinabi ng KBP na handa silang umalalay rito gaya ng ginawa nila noong 2016 elections.
Sinabi ni KBP President Bombo Herman Basbano na nakahanda sila na muling makipag-partner sa Comelec para sa tagumpay ng kanilang isasagawang mga debate.