Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang P2,000 na dagdag honoraria at iba pang allowance ng mga poll workers na magsisilbi sa 2022 elections.
Ito ay kasunod ng mga apela na taasan ang honoraria dahil mararanasan sa Mayo 2022 polls ang mas mahabang oras ng pagboto.
Mangyayari ito dahil sa inaasahang mga adjustment dulot ng mas mabagal na proseso ng pagboto dahil sa pandemic protocol.
Sa isang resolusyon na ipinahayag noong Nobyembre 10 ngunit isinapubliko lamang noong Biyernes, binalangkas ng poll body ang halagang babayaran sa mga election workers.
Kabilang sa mga poll worker ang chairman ng electoral board (EB), mga miyembro nito, DepEd Supervising Official (DESO), support staff at medical personnel, isang bagong kategorya.
- Chairperson of EB – P7,000
- Members of EB – P6,000
- DESO – P5,000
- Support staff – P3,000
- Medical personnel – P3,000
Bukod sa kanilang honoraria, ang EB chair, members, DESO at support staff ay makakatanggap din ng P2,000 travel allowance, twice sa 2019 rate.
Makakatanggap naman ng P1,000 travel allowance ang mga medical personnel sa araw ng halalan.
Makakatanggap din ng P1,500 communication allowance ang DESO at support staff.
Bibigyan din ng anti-COVID-19 allowance na nagkakahalaga ng P500 ang bawat poll worker.
Magugunitang, base sa 2019 rates, ang mga EB chair sa susunod na taon ay pinagkalooban ng P2,000 pay hike, ang mga miyembro ng EB ay P2,500 at ang DESO at mga support staff ay P3,000 na pagtaas.
Una nang umapela ang Department of Education (DepEd) para sa P3,000 across the board pay hike para sa mga guro na nagsisilbing poll workers.