Magtutulungan ang Commission on Elections (Comelec) at National Bureau of Investigation (NBI) para mapalakas ang cybersecurity sa 2025 Midterm Elections.
Nakatakdang pumirma ng memorandum of understanding ang dalawang ahensiya para gawin itong pormal, ngunit wala pang eksaktong araw kung kailan ito isasagawa.
Ayon kay NBI chief Jaime Santiago, posibleng may mga magsasagawa ng hacking activities sa panahon ng halalan at pinaghahandaan nila ito. Ito ay sa kabila pa aniya ng pagtitiyak ng komisyon na secure o ligtas ang teknolohiya na gagamitin sa halalan.
Tinatanggap aniya ng NBI ang katotohanang lahat ay maaaring pasukin at walang imposible para sa mga hackers.
Ayon kay Santiago, kailangang mauna muna nilang makita ang mga hacker bago pa man makagawa ang mga ito ng anumang hindi kaaya-ayang operasyon.
Tiniyak ng NBI director na makikipagtulungan ito sa COMELEC upang masigurong maayos at matagumpay ang halalan.
Samantala, maliban sa cybersecurity ay tiniyak din ng NBI chief na magbabantay ang ahensiya sa iba pang election-related offenses, kasama na ang vote-buying. Nakahanda aniya ang NBI na arestuhin ang sinumang magtatangkang bumili ng boto sa panahon ng halalan.