Tiniyak ng Commission on Elections na hindi na makakalusot ang mga botante na nagnanais magkaroon ng multiple registration para makaboto sa ilang presinto sa susunod na halalan.
Ayon kay Comelec spokesperson Atty Rex Laudiangco, binabantayan na ng komisyon ang posibilidad ng paglipana ng mga naturang botante o tinatawag ding flying voter.
Dahil sa gumagamit na aniya ang komisyon ng automated fingerprint identification system sa pagpapareshistro, nababantayan na ang bawat nagpaparehistro kung mayroon na silang mga datong record sa komisyon.
Kapag natukoy na mayroon nang dating record mula sa ibang presinto, otomatikong makakansela na aniya ang applikasyon ng mga ito.
Ayon kay Laudiangco, nakalusot ito noong nakalipas na halalan at mahigit 500,000 double at multiple entries ang kanilang namonitor batay sa isinagawang imbestigasyon ng komisyon.
Isa sa mga binabantayan ng komisyon ay ang posibilidad ng paghahakot ng mga kandidato ng ilang mga botante mula sa isang lugar at ipapa-rehistro ang mga ito sa lugar kung saan tatakbo ang naturang kandidato.
Pero ayon kay Laudiangco, gamit ang bagong sistema ng komisyon, mabilis na itong matunton ng Comelec at nakahanda itong magsampa ng election offence laban sa mga kandidato at maging sa mga botanteng nagpapagamit.