Binuksan na ng Commission on Elections (COMELEC) sa publiko ang online precinct finder, tatlong linggo bago ang halalan sa Mayo 12. Ang precinct finder ay ang website ng komisyon para mahanap ng mga botante ang kanilang mga polling precincts at voters registration status. Ngunit, pagtitiyak ng poll body na makikita rin nila ang mga impormasyon na ito sa ipinapamigay na Voters Information Sheet.
Kaugnay pa nito, sinabi rin ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na pinaghahandaan din ng poll body ang mga posibleng hacking attempts na gawin sa precinct finder. Pagtitiyak niya sa publiko na may hakbang na ang poll body kung sakali man na mangyari ito.
Ayon din sa komisyon, inaasahan na dadagsa ang pagbisita sa website dalawang araw bago ang halalan. Sa kasalukuyan, nagtatimeout ang precinct finder dahil na rin sa buhos ng mga botante sa website.
Dito maaaring ma-access ang link para sa COMELEC Online Precinct Finder: https://precinctfinder.comelec.gov.ph/voter_precinct
Samantala, inanunsiyo ng poll body na inaasahan naman na matatapos ang pag-deliver ng mga official ballots sa Abril 30. At sa Mayo 1 naman inaasahan na matapos ma-deploy ang Automated Counting Machines sa iba’t ibang bahagi ng bansa.