-- Advertisements --
comelec nboc

VIGAN CITY – Hindi na bago sa Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng mail-in voting kasunod ng mga panukalang maari ring isagawa sa bansa ang nasabing proseso ng pagboto gaya sa amerika.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ginagawa na sa bansa ang nasabing proseso ng pagboto katulad sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Kailangan na lamang umano na palawigin ng isang batas na nagsasabing isasagawa din ito sa local elections.

Aniya, bukas ang Comelec sa pagsasagawa ng nasabing sistema kung kaya babalikan ng ahensya kung paano ito naisagawa ng matagumpay sa mga OFW na nasa ibayong dagat.

Dagdag pa ni Jimenez, gusto rin kasi ng Commission of Elections na mabawasan ang dami ng tao sa mga polling places pagdating ng eleksyon sa 2022 lalo na kung laganap pa ang COVID-19.