Sinang-ayunan ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rey Bulay ang pahayag na may lack of wisdom” sa kasunduan ng poll body sa Impact Hub hinggil sa pagsasaayos ng presidential at vice-presidential debate para sa halalan sa Mayo 9.
Sa mga nakaraang halalan, nakipagtulungan ang Comelec sa iba’t ibang mainstream media at institusyon na makapaglikha ng mga debate para sa komisyon.
Para sa PiliPinas Debates 2022, nakipagtulungan ang Comelec sa Impact Hub para sa pag-aayos ng kaganapan.
Ang Impact Hub, ang grupo sa likod ng Vote Pilipinas na nagsasagawa ng voter information campaign para sa Comelec, ay pumasok sa isang kontrata sa Sofitel Philippine Plaza Manila, ang venue ng mga debate.
Dalawang presidential debate at isang vice-presidential debate ang ginanap na sa Sofitel.
Gayunpaman, hindi natuloy ang dapat na debate sa town hall noong Abril 23 at 24, at na-reschedule sa Abril 30 at Mayo 1 matapos mabigo ang Impact Hub na bayaran ang P14-million financial obligation nito sa Sofitel.
Kasalukuyang iniimbestigahan ni Bulay ang isyu at nauna nang sinabi na maaaring matapos ang imbestigasyon sa Biyernes, Abril 29.