-- Advertisements --

Bumuo ngayon ang Commission on Elections (Comelec) ng bagong special division upang talakayin pa rin at idetermina kung sinong PDP-Laban faction ang kanilang kikilalaning opisyal na partido.

Ang hakbang ng Comelec ay kahit 13 araw na lamang ang nalalabi bago ang halalan.

Kung maalala ang naturang political party ay nahati sa dalawang factions na ang isa ay pinangungunahan ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel habang ang isa pang faction ay mismong ang kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Energy Secretary Alfonso Cusi ang siya namang namumuno.

Kinumpirma naman ni Commissioner George Erwin Garcia na ang naturang kaso ng PDP Laban ay una nang ini-raffle sa Comelec Second Division kung saan ang mga miyembro ay kinabibilangan nina Commissioners Rey Bulay at Marlon Casquejo.

Gayunman si Commissioner Garcia ay nag-inhibit sa kaso dahil nag-abogado na siya naturang partido bago pa man siya naging bahagi ng Comelec.

Umaasa naman ang opisyal na magkakaroon na rin ng desisyon ang komisyon kung sino nga ba talaga ang tunay na kikilalaning tunay na party para tukuyin na rin nila ang tinaguriang dominant majority, dominant minority, at 10 iba pang mga national parties.

Posible namang matapos daw ito hanggang sa darating na Biyernes at magpapalabas na sila ng resolusyon.

Sinasabing merong point system ang Comelec para sa pagdetermina sa dominant majority, dominant minority, 10 major national parties, at dalawang major local parties kaugnay sa May 9 national at local elections.