Buo na ang loob ng Commission on Elections (Comelec) ukol sa gagawing regulasyon sa paggamit ng iba’t-ibang porma ng artificial intelligence (AI).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mayroon man o walang batas, maglalabas ang komisyon ng guidelines na siyang susundin sa paggamit ng AI.
Nagpapatuloy na aniya ang konsultasyon na ginagawa ng komisyon kasama ang ilang mga experto upang tukuyin ang mga uri ng AI na gagamitin sa nalalapit na halalan.
Giit ni Garcia, anuman ang magiging resulta ng isinasagawang konsultasyon at pag-aaral, ipupursige aniya ito ng komisyon, kasama na ang paglalabas ng guidelines.
Nakahanda rin aniya ang komisyon upang depensahan ang desisyon nito sa korte, kasabay ng paggigiit na may kapangyarihan at otoridad ng komisyon para mag-regulate sa iba’t-ibang paraan o porma ng information dissemination, gaano man ito kalimitado, salig sa Fair Elections Act.
Ibinabala rin ng Comelec chair na ang mga paglabag dito at sa anumang rules and regulations na inilalabas ng komisyon ay maikokonsidera bilang election offense.
Nanindigan ang opisyal na ang paggamit ng AI ay maituturing na ‘misrepresentation’ ukol sa kandidato, at maituturing na election offense.