CAUAYAN CITY – Nakapagtala ang Commissions on Elections (COMELEC) Cauayan City ng mahigit dalawang libong naghain ng Certificate of Candidacy (COC).
Matatandaang nagsimula ang paghahain ng COC noong August 28 at nagtapos kahapon, September 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Christopher Thiam, election officer ng lunsod na sa anim na araw na COC filling ay nakapagtala sila ng 2,447 na kandidato.
Tumaas ito kumpara noong 2018 na may 1,810.
Ang nakikita nilang dahilan ay ang ilang beses na naipagpaliban ang halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan.
Kahapon ay nakapagtala sila ng 275 na naghain ng COC at mayroon silang naitala na humabol dakong 5:10 ng hapon pero hindi na nila tinanggap dahil batay sa COMELEC resolution ay hanggang 5:00 pm lang sila pwedeng tumanggap.
Ipinaliwanag naman niya ng maayos na hindi na sila pwedeng tumanggap kapag lumagpas ng 5:00 ng hapon at wala namang naging problema.
Mayroon naman silang hindi tinanggap na naghain ng kandidatura sa SK dahil sa age requirement.
Sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang paghahain ng COC sa lunsod sa tulong na rin ng pulisya.
Nagpapasalamat sila sa pulisya dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi mapapanatili ang kaayusan sa mga mismong araw ng paghahain ng COC.