Pinangunahan ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia nitong Biyernes, Oktubre 25, ang Voters Information Awareness Forum at Automated Counting Machine Public Demonstration (ACM) sa Cebu Normal University nitong lungsod ng Cebu bilang paghahanda para sa 2025 national at local elections.
Ang kaganapan na dinaluhan ng iba pang opisyal ng komisyon, mga estudyante at marami pang iba ay nagbibigay ng komprehensibong edukasyon sa halalan at nasaksihan kung paano gumana ang bagong Automated Counting Machine (ACM).
Unang sumubok sa bagong vote-counting machine ang Presidente ng Unibersidad na si Dr. Daniel Ariaso Sr. at inilahad nito na dapat umanong suriing mabuti ang bawat pag-shade ng kandidatong napili sa balota bago ito isumite sa naturang machine upang hindi masayang ang boto.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Garcia na ang naturang counting machine ay mayroong transmission device na konektado sa lithium battery na kahit walang kuryente ay posible na magamit sa loob ng 3 araw.
Nilinaw pa nito na ang counting machine ay ligtas sa kahit na anumang outside hacking dahil hindi na umano kailangan pa na ikabit o isaksak sa kahit anumang kable o kuryente.
Aniya, kaya umano ng nasabing counting machine na imprenta ang 9 na piraso ng election returns o katumbas ng kabuuang boto sa lahat ng posisyon.
Idinagdag pa niya na mahalaga ang kanilang presensya hindi lamang umano para maidemo ang makina na gagamitin sa 2025 kung saan halos na dumalo ay first time gagamit ng isang makina sa halalan.
Umapela naman si chairman Garcia sa lahat na hindi lamang magparehistro at boboto kundi dapat din umanong bomuto ng tama na siyang dikta ng puso, konsensya at kaisipan na siyang humuhubog sa kung ano ang gusto ng bayan at maging ng bansa.