Bagaman hindi ganap na ipinagbawal ang paggamit ng artificial inteligence para sa pangangampanya sa 2025 midterm elections, siniguro ni Comelec Chairman George Garcia na babantayan ng komisyon ang paggamit ng mga kandidato sa naturang teknolohiya.
Sa pagdinig ng Senate subcommittee on finance sa 2025 proposed budget ng Comelec, tinanong ni Senator Francis Tolentino ang Comelec chair ukol sa susunding guidelines sa digital elections campaign.
Sagot ni Garcia, iniiwasan ng komisyon na magamit ang AI sa mga serye ng misinformation, disinformation at fake news sa panahon ng pangangampanya.
Dahil dito, kailangan aniyang sabihin o aminin ng mga kandidato kung gumamit ang mga ito ng AI kasama na ang partikular na teknolohiyang ginamit.
Kailangan din naniyang i-disclose ang mga social media accounts at iba pang mga digital platforms ng mga kandidato para matukoy ang pagiging lehitimo ng source.
Ayon kay Garcia, makikipag-ugnayan ang komisyon sa mga kinatawan ng iba’t-ibang social media companies upang matulungan sila sa gagawing regulasyon.
Umaasa si Garcia na sa pamamagitan ng inilabas nitong guideline ukol sa paggamit ng AI ay matutukoy nila ng madalian ang mga fake news o fake information, matatawag ang atensyon ng mga gumawa nito, at mapanagot kung mapatunayang guilty.