Bagamat tatanggapin ng Commission on Elections ang kandidatura ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo, ipinunto ni Comelec chairman George Erwin Garcia na mayroong 3 existing grounds o basehan ang poll body para kanselahin ang kandidatura ni Guo at ng sinuman na may kaparehas na sitwasyon.
Kabilang sa tinukoy na basehan ng poll body chief ang pagdedeklara sa isang kandidato bilang nuisance candidate, ang petisyon na naglalayong kanselahin ang kandidatura dahil sa edad, nasyonalidad at registration bilang botante gayundin ang desisyon mula sa Ombudsman na nagdidiskwalipika sa isang kandidato na tumakbo sa posisyon sa gobyerno habambuhay.
Ayon pa kay Garcia, sa ilalim ng Republic Act 6770, ang desisyon ng Ombudsman ay immediately executory.
Ginawa ng Comelec chief ang pahayag matapos ihayag ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David na inaasahang pormal na maghahain ng kandidatura si Guo sa huling araw ng COC filing sa Martes, Oktubre 8 para tumakbong muli bilang alkalde ng Bamban, Tarlac sa kabila pa ng patung-patong na kaso laban sa kaniya at kasalukuyan ding nakakulong sa Pasay city jail.