Pinaalalahanan ni Commission on Elections Chairperson George Garcia ang mga opisyal ng barangay na huwag makisawsaw sa people’s initiative na layong amyendahan ang 1987 constitution.
Binigyang diin din ni Garcia na dadaan sa beripikasyon ng Comelec ang mga nalikom na pirma kapag naipasa na ito sa kanilang opisina ng mga proponents ng people’s initiative.
Aalamin umano ng kanilang tanggapan kung tunay bang naintindihan ng mga pumirma ang nilalaman ng kanilang nilagdaan at hindi sila pinilit ng sinuman para pumirma sa nasabing people’s initiative.
Subalit para kay Garcia, mas mainam daw na ang Department of Interior and Local Government ang maglabas ng babala sa mga opisyal ng barangay dahil sila umano ang nakakasakop dito. Ito ay kaugnay ng kumakalat na balita na binibigyan umano ng pera o ayuda ang mga taong pipirma sa people’s initiative.