Ikinokonsidera ni Commission on Elections chairman George Erwin Garcia na magsampa ng kasong kriminal laban sa mga indibidwal na nasa likod ng Bahamas files.
Naglalaman umano ang naturang files ng listahan ng 14 na foreign bank accounts sa Bahamas na may lamang $15 million o nasa P877 million na sinasabing natanggap umano ng Comelec official at kaniyang asawa mula umano sa South Korean firm na Miru Systems Co Ltd. na nakakuha ng P17 bilyong kontrata para suplayan ang automated election system sa 2025 midterm election ng PH.
Ang naturang dokumento ay inilabas ni dating Caloocan Rep. Edgar Erice nitong araw ng Lunes na nakuha raw niya mula sa hindi pinangalanang source mula sa Bahamas.
Kasama din dito ayon kay Erice ang mga detalye ng napaulat na properties umano ng Comelec official sa Singapore, Hong Kong, United States, at Makati City.
Hindinaman pinangalanan ni Erice ang naturang Comelec official.
Subalit sa isang sulat na ipinadala sa opisina ng Commission on Elections, direktang sinabi ni Erice kay Garcia na sagutin ang mga alegasyon sa kaniya.
Sa panig naman ng poll body chief, base aniya sa natanggap niyang mga dokumento, pare-pareho ang font kayat sa iisang tao lang aniya ito galing at kung sa magkakaibang bangko daw ay dapat na hindi magkapareho.
Kinuwestyon din ni Garcia ang kawalan ng official logo o letterhead ng mga dokumento na nakalagay sa Bahamas files.
Ibig sabihin aniya, peke, huwad at palsipikadong mga dokumento ang mga ito.
Nakakuha naman si Garcia ng certification mula sa government bank na nagsasaad na wala siyang ganoong mga bank account.
Kaugnay nito, magiisyu si Garcia ng panibagong waivers at supplemental affidavits of denial sa National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) para imbestigahan ang umano’y foreign bank accounts.
Papatunayan din ni Garcia na ang nasabing mga account ay non-existent at hindi sa kaniya.
Kung sakali man aniyang mapapatunayang palsipikado ang mga dokumento, siya mismo ang personal na maghahain ng kasong falsification of a public document upang mapanagot ang mga indibidwal na nasa likod nito.
Kung matatandaan una na ring pinabulaanan ng Comelec chairman na nagmamay-ari siya ng anumang foreign accounts o properties sa ibang bansa kasunod ng alegasyon ni SAGIP party list Rep. Rodante Marcoleta kaugnay sa umano’y isang Comelec official na nagmamay-ari daw ng 49 offshore bank accounts na nakatanggap ng deposits o pera mula sa South Korean banks.