Nilinaw ni Commission on Elections chairman George Garcia na wala siyang intensiyon na impluwensiyahan ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa South Korean firm na Miru Systems, ang service provider para sa 2025 automated midterm elections.
Ginawa ni Garcia ang paglilinaw kasunod ng kaniyang naging pahayag na maaaring isagawa ang manual 2025 national at local elections sakali mang mag-isyu ng ruling ang SC laban sa Miru Systems.
Kaugnay nito, hiniling ni dating Caloocan 2nd district Representative Edgard Erice sa SC na patawan ng contempt si Garcia para sa paglabag sa sub judice rule na nagbabawal sa pagkomento at disclosures may kaugnayan sa nakabinbing mga paglilitis sa hukuman para maiwasan ang paghatol sa isyu, pag-impluwensiya sa korte o harangin ang pagsisilbi ng hustisya
Sa inihaing 3 pahinang mosyon, sinabi ni Erice na nilabag ni Garcia ang gag rule matapos ang naging pahayag ng poll body chief sa petisyong inihain ng dating mambabatas noon Abril 18 na naglalayong ipatigil ang iginawad na kontrata ng Comelec sa Miru Systems para sa 2025 automated elections.
Subalit pinabulaanan ni Garcia ang alegasyon laban sa kaniya at sinabing may dahilan siya para magsalita dahil kailangang ma-update ang publiko kaugnay sa halalan.