Kusa nang naglabas ng waiver si Comelec Chairman George Erwin Garcia para hayaan ang mga imbestigador na siyasatin ang kaniyang bank records.
Ang hakbang ng pinuno ng komisyon ay kasunod ng pagbubunyag ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na hindi bababa sa P1 bilyon ang inilipat mula sa mga bangko, kabilang ang mga nakabase sa South Korea, papunta sa 49 offshore accounts na sinasabing nauugnay sa isang opisyal ng Comelec.
Giit ni Garcia sa exclusive interview ng Bombo Radyo, ginawa na niya ang pag-waive ng bank secrecy para hindi madungisan ang reputasyon ng Comelec at sa huli ay mapatunayan din niya sa mga kritiko na malinis ang kaniyang record at wala siyang ikinukubling katiwalian.
Maliban dito, idinulog na rin ni Garcia sa National Bureau of Investigation (NBI) ang 49 na bank accounts na inilabas ni Marcoleta.
Ibig din umanong malaman ng Comelec Chairman kung kani-kanino ang mga bank details na iyon at kung talaga bang umiiral ang mga ito.
“Inilapit natin sa NBI para masiyasat na yung mga bank accounts, kung saakin ba nakapangalan ‘yun o kung umiiral ba talaga ‘yun. Dahil nais nating matuldukan ang fake news.”
Comelec Chairman George Erwin Garcia
Umaasa ang pinuno ng poll body na mailalantad ang lahat ng katotohanan para lumitaw kung sino ang nasa likod ng ipinakakalat umanong fake news o misinformation laban sa Comelec.