Nakahanda umano si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na humarap sa anumang imbestigasyon na ikasa ng Kamara de Representantes kasunod ng mga bribery allegation laban sa kanya.
Ayon kay Garcia, nakahanda siyang humarap sa pagdinig sa Kamara upang maipaliwanag ang kanyang panig. Nangako rin ang opisyal na sasagutin niya ang lahat ng katanungan na ibinabato sa kanya.
Sinabi rin ni Garcia na ipapaliwanag din niya ang mga taong nasa likod ng demolition job laban sa kanya, laban sa Comelec, laban sa Miru Systems, at maging sa 2025 Elections.
Maalalang kahapon ay pinangalanan na ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta si Garcia na nagmamay-ari ng offshore bank account sa Cayman Islands kung saan iprinisenta pa ng kongresista ang umano’y resibo ng bank transfer sa naturang account.
Una na ring inihain ng mambabatas ang House Resolution 1827 na humihiling para imbestigahan ang bribery allegations laban sa Comelec officials at Miru Systems.
Gayunpaman, nanindigan si Garcia na hindi totoo ang mga alegasyon, bilang patunay na rin ng mga testimonya nito ‘under oath’.
Nanindigan din ang Comelec chair na hindi ito magbibitiw sa pwesto sa kabila pa ng panawagan ni Marcoleta para rito.