Tiniyak ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia na mailalabas ang resulta ng kanilang isinasagawang fact-finding investigation kaugnay sa binubuong kaso laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo bago ang nakatakdang paghahain ng certificate of candidacy sa Oktubre ng kasalukuyang taon.
Aniya, inaasahang maisusumite na ng investigating panel ang kanilang rekomendasyon sa Comelec en banc ngayong araw para matukoy kung nagkaroon ng misrepresentation o pagsisinungaling sa idineklara ng suspendidong alkalde sa kaniyang certificate of candidacy noong 2022 national at local elections na ayon kay Garcia ay isang kasong kriminal.
Kaugnay nito, sa pagbisita ng Comelec officials sa kanilang tanggapan sa Bamban, isinama ang technical expert ng Comelec para maanalisa ang fingerprint ni suspended Bamban Mayor Alice Guo sa kaniyang pagboto noong 2022 elections.
Natakda namang isumite ng technical expert ng poll body ang findings nito hanggang bukas.
Kung matatandaan, una ng binuo ng Comelec ang isang fact-finding committee para imbestigahan ang kwestyonableng kandidatura ni suspended Bamban Mayor Alice Guo noong May 2022 general elections.
Naatasan ang komite na tukuyin kung mayroong material misrepresentation sa COC ni Guo na maggagarantiya para sa paghahain ng election offense case laban sa kaniya.