Tinukoy ni Commission on Elections (Comelec) chairman George Erwin Garcia na ang pinaka-pakay ng nagpapatuloy na demolition job laban sa poll body ay para pwersahin silang gamitin ang lumang vote counting machines para sa 2025 elections mula sa dating service provider.
Matatandaan na ang dating service provider ng Comelec ay ang Smartmatic na nauna ng pinagbawalan ng poll body na lumahok sa lahat ng bidding o procurements ng komisyon para sa mga hinaharap na halalan matapos na masangkot ang naturang kompaniya sa umano’y bribery case sa US laban kay dating Comelec chief Andy Bautista.
Nagbigay daan ito sa nag-iisang bidder noon na Miru System mula sa South Korea para makuha ang P18.8 bilyong kontrata na iginawad ng Comelec para mag-suplay ng 110,000 automated counting machines at iba pa para sa 2025 midterm elections.
Samantala, sinabi din ni Garcia na layunin ng demolition job na sirain ang Comelec, ang mga commissioner nito at ang kredibilidad ng halalan sa susunod na taon.
Nitong araw ng Huwebes, pinangalanan ni Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta ang poll body chief na mayroon umanong 2 offshore bank accounts sa US-based banks.
Subalit tugon dito ni Garcia na nakakakilabot at nakakatawa aniya kung paano ginagawa ang tampering ng mga dokumento dahil sa kanilang pag-aaral ito ay peke lalo na ang mga bangko sa Amerika.
Hinamon din ng opisyal ang mga nag-aakusa na hindi magawang makapaghain ng complaints sa korte at nagtatago sa likod ng legislative immunity.
Inaasahan naman ng poll body chief na mas marami pang pag-atake sa komisyon mula sa kanilang umano’y mga kritiko.