-- Advertisements --


Hindi pa rin nagpapa-awat sa kaniyang paghahamon si Comelec Comm. Rowena Guanzon laban kay Atty. George Briones ng Partido Federal.


Sa isang Twitter post ni Guanzon, sinabi nitong hinamon niya sa isang panayam sa Bombo Radyo na magsuntukan na lang sila ni Briones.

Comelec Comm. Guanzon hinamon na lang boxing si Atty. Briones matapos di matuloy ang debate


Mainam daw kung gagawin ito sa Iloilo Plaza, kung saan nais niyang magsilbing referee si Mayor Jerry Trenas ng Iloilo City.


Kung sakali raw ay gagamitin niya ang gloves na pirmado ni eight division world boxing champion at Sen. Manny Pacquiao.


Si Briones ay una nang hinamon ng debate ni Guanzon, kung saan tinanggap naman nito ang kanilang diskusyon.


Pero kalaunan, binawi ng abogado ang pagtanggap niya sa hamon, makaraang mabatid na magkapareho pala sila ng kinabibilangang frat group.


Nag-ugat ang bangayan ng dalawa, nang ilabas ni Guanzon ang statement na tinatakot daw siya ng grupo ni Briones dahil sa posisyon niya sa disqualification case ni presidential candidate Bongbong Marcos.


Naging trending topic naman ang naturang post ng lady commissioner at samu’t-saring reaksyon ang komentaryo ng internet users.


Wala pa namang tugon dito ang panig ng Partido Federal official.