BOMBO DAGUPAN – Nakapagtala na ng ilang mga kaso ng premature campaigning ang syudad ng Dagupan kung saan ang ilang mga kandidato ay sinusubukan nang mangampanya gamit ang social media at posters na ikinakabit sa mga poste.
Ipinaliwanag ni Michael Franks Sarmiento, Commission on Elections (COMELEC) Officer ng syudad na binigyan ang mga ito ng tatlong araw na pagpapaliwanag at depende aniya sa kanilang mga sagot kung kakasuhan ba ng election offense ang mga ito o i-disqualify sa eleksyon.
Depende aniya sa merits ng sagot sa merits ng complaint at i-evaluate aniya ito ng law department upang malaman ang kaukulang disposisyon.
Sakaling makasuhan sila ng criminal offense, bukod sa maaari silang maalis bilang isang kandidato, maaari pang makulong ang mga ito.
Ang proseso aniya ng validation sa mga magiging sagot ng mga kandidatong lalabag sa election rules, katuwang ng law department ang field lawyers ng Comelec sa pagsasagawa ng preliminary investigation kung saan dito aalamin kung ang partikular na kandidato ba ay mayroong nagawang paglabag.
Mayroon pa aniya silang mga inilaang proseso upang mabigyan pa rin ng pagkakataon ang isang kandidato na depensahan ang kaniyang sarili.
Dagdag pa ni Sarmiento na hangga’t naka-post ang campaign platform ng isang kandidato sa social media kahit pa walang nakalagay na ‘vote’ o naghihimok na siya ay iboto, ikinokonsidera pa rin ito bilang premature campaigning.
Samantala, sa darating na Oktubre 19 hanggang 28 kung saan itinakda ang campaign period, ay mayroon aniya silang ipapatupad na mga alituntunin.
Una rito, pagdating aniya sa posters dapat 2 feet by 3 feet lang mapa-solo man o grupo ang nasa larawan.
Pagdating naman aniya sa brochure, ang pinapayagan lamang nila ay ang hindi lumalampas sa 8 by 14 inches o sa long bond paper.
Kung sa pagpapaskil naman aniya, mayroon lamang dapat tandaan ang mga kandidato kung saan nila maaaring ipaskil ang kanilang posters at ito ay mga tinatawag na common poster area at private property with consent.
Para sa common poster area, ang Comelec ang nagtatakda at ang halimbawa nito ay sa harap ng barangay hall.
Maaari rin namang magpaskil sa mga private properties basta’t pumayag ang may-ari.
Anumang lugar na hindi kasali sa mga nabanggit ay hindi na aniya maaaring magpaskil ng mga posters at iba pang campaign materials.