VIGAN CITY – Binigyang-diin ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ang Commission on Elections (Comelec) ang ahensya na mayroong karapatang ipatupad ang batas laban sa vote buying tuwing panahon ng halalan.
Ito ay matapos ang pagkalat ng mga balitang talamak na ang vote buying sa iba’t ibang panig ng bansa habang papalapit ang halalan sa May 13, araw ng Lunes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III, sinabi nito na ang kailangan lamang umanong gawin ng Comelec hinggil sa nasabing isyu ay mag-deputize o magtalaga ito ng mga iba pang ahensya na katuwang nila sa pagsugpo sa isyu ng vote buying tuwing halalan dito sa bansa.
Aniya, kailangan ding linawin na kung vote buying ang pag-uusapan ay sakop nito ang pagbili ng boto ng isang tao at ang pagbenta ng botante sa kaniyang boto kung saan ang bumibili at nagbebenta ang dapat na maparusahan hinggil dito.
Kasabay nito ay sinabi naman ni Densing na binilin na umano ni DILG Sec. Eduardo Año ang PNP na kasabay ng mahigpit na pagbabantay nila sa peace and order sa bansa ay kailangang tingnan din umano nila ang mga posibleng paglabag sa Omnibus Election Code kung saan sakop ang vote buying.