Aminado ang Commission on Elections (COMELEC) na hindi na umano mababago pa ang data package na maglalaman ng inisyal na mga resulta para sa eleksyon sa Mayo 13, alinsunod sa kahilingan ng mga stakeholders.
Ayon kay Comelec IT head Roderic Ilagan, nakadeposito na kasi sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang tatlong mga source code na gagamitin para sa automated elections.
Paliwanag ni Ilagan, kung babaguhin umano ang data package ay kailangan din daw gumawa ng panibagong source code.
Hindi na rin daw in-update ang script sa mga servers dahil sa pangambang baka magkaroon ng isyu rito.
Una rito, hiniling ng mga stakeholders na magkaroon ng adjustment sa arrangement ng mga pangalan ng mga kandidato para magtugma sa ilalabas na resulta at saka sa server.
Noong Pebrero nang ideposito ng poll body sa BSP ang mga source code, na sang-ayon sa Republic Act 9369 o ang Poll Automation Law.
Ang source code ay human-readable instructions na siyang magsasabi kung ano ang gagawin ng Automated Election System (AES).