Hindi sang-ayon ang ilang vice presidential (VP) candidates sa panawagan ng kapwa nila kandidato na magkaroon na lamang ng “single tandem” laban sa tambalan nina dating Senator Ferdinand Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Ayon kasi kay Rizalito David ng Democratic Party of the Philippines, tila naglolokohan lamang silang mga dumadalo sa mga debate kasi lumalabas sa survey ang malaking agwat sa kanila ni Duterte-Carpio.
Tutol si Senator Francis Pangilinan sa mungkahing ito ni David, at iginiit na ito ay “premature” dahil marami pa ang mangyayari sa mga susunod na na buwan.
Hindi rin aniya ibig sabihin na ang lamang ngayon ay iyon na ang malinaw na mananalo dahil matatandaan aniya sa nagdaang anim hanggang 12 taon, na bumabaligtad ang resulta ng mga nangunguna sa surveys.
Iginiit naman ni dating Congressman Walden Bello na hind siya aatras, pero wala ring masama kung mag-withdraw naman ang iba sa mga kapwa niya kandidato.
Kung aatras man aniya ang mga kapwa niya vice presidential candidate, umaasa si Bello na siya ang susuportahan ng mga ito bilang panlaban kay Duterte-Carpio.
Para kay David, mas mainam kung umatras na lamang sila at suportahan si Senate President Vicente Sotto III.
Hindi naman halos makapagsalita kaagad si Sotto nang matanong kung ano ang kanyang reaksyon hinggil sa mungkahing ito ni David.
Pero nagpapasalamat siya sa kapwa niya kandidato dahil sa pagkonsidera sa kanya bilang possible alternative candidate.