-- Advertisements --

Hindi pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang hiling ng opposition Senate slate na Otso Diretso para sa pagkakaroon ng isang debate sa pagitan ng mga senatorial candidates.

Sa isang panayam, sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na mangangahulugan lamang na mayroon silang “preferential treatment” sa ilang senatorial candidates o slate sa oras na pagbibigyan nila ang kahilingan ng Otso Diretso.

Bukod dito, “practically impossible” na rin daw na makapagsagawa ng isang makabuluhang debate na kabibilangan ng 62 kandidato dahil baka magresulta lamang ito sa pagduda na may kinikilingan ang poll body.

Hindi na rin aniya kakayanin pa ang paghahanda sa isang debate sapagkat mayroon lamang halos dalawang buwan na lamang para sa pagdaraos ng halalan sa darating na May 13 midterm elections.

Magugunita na hiniling ng Otso Diretso kay Comelec chairman Sheriff Abas noong nakaraang linggo na bumuo at pangunahan ang isang public debate sa pagitan ng kanilang mga kandidato kontra mga kandidatong iniendorso ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).