-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nasa kamay na raw ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang desisyon kung sino ang papalit sa pwesto ng mga nanalong opisyal ng nakaraang halalan na natanggal dahil sa hindi pagsusumite ng kanilang statement of contributions and expenditures (SOCE).

Sa panayam ng Bombo Radyo ipinaliwanag ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez ang nilalaman ng batas hinggil sa hindi pagpapasa ng SOCE.

Nakasaad daw kasi doon na requirement ang naturang dokumento para mabigyan ng certificate of assumption ang nanalong opisyal at tuluyang maupo sa pwesto.

Sa ilalim ng SOCE, nakapaloob ang ginastos ng kandidato sa kanyang pagtakbo, gayundin kung sino ang mga nag-donate sa buong campaign period.

Kung maaalala, noong June 13 nagtapos ang deadline of submission ng SOCE para sa mga kandidatong tumakbo noong May 13 midterm elections.