CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinadismaya ng Comelec ang matumal na turnout ng mga pulis sa Northern Mindanao na nag-avail ng local absentee voting na nagtapos kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Misamis Oriental Provincial Election Supervisor Atty. Alilie Ramirez na aabot lamang sa 190 pulis sa Northern Mindanao ang bumoto. Marami umanong mga pulis ang mas piniling bumoto na lamang sa mismong araw ng halalan.
Una nang sinabi ni PNP-10 spokesman Lt. Colonel Surkie Serenias na halos kalahati ng kanilang police force ang hindi nakaboto.
Ngunit sinabi nito na hindi umano nagkulang si Regional Director Police Brig. Gen. Timoteo Pacleb sa pagpapa-alala sa kanilang mga tauhan na bumoto sa local absentee voting upang matutukan nila ang pagbabantay ng seguridad sa araw ng eleksiyon.
Nauna rito, ikinalungkot din ng Comelec ang maliit na bilang mga pulis sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na bumoto sa absentee voting na umabot lamang sa 90.