-- Advertisements --
image 335

Nakahanda na ang Commission on Elections (Comelec) para sa pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, naimprenta na ang nasa kabuuang 92 million balota na gagamitin para sa nasabing halalan kasama na ang lahat ng election returns, statement of votes at iba pang election paraphernalia.

Inihayag din ng Comelec official na ang kanilang gagawin na lamang isang buwan bago ang halalan sa Oktubre ay ang pagsasanay sa mga magsisilbing guro at iba pang miyembro ng electoral boards.

Bumuo na rin aniya ang poll body ng komite na tututok laban sa vote buying.

Nakikipag-ugnayan na rin ang poll body sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno gaya ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Integrated Bar of the Philippines, at Public Attorney’s Office.

Samantala, inihayag din ng poll body na magpapatupad ng voting hours para sa vulnerable sector gaya ng senior citizens, persons with disabilities, mga buntis at iba pang miyembro ng Indigenous People.

Target din ng komisyon na maglatag ng voting centers sa halos 20 malls sa iba’t ibang mga lugar sa bansa na magbebenipisyo sa mga komunidad na naninirahan sa mga naturang lugar.