Otomatikong mahihinto na ang mga isinasagawang checkpoint at umiiral na election gun ban ng Commission on Elections (Comelec) sa buong bansa.
Ito’y kasunod ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa batas para sa postponement ng Barangay at Sangguniang Kabataang (SK) elections na nakatakda sana sa darating na October 23.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Chief Supt. Dionardo Carlos, hinihintay na lamang nila bilang deputized agency ng Comelec ang utos o memorandum upang tuluyang itigil ang checkpoint at gun ban sa Pilipinas.
Pero tiniyak ni Carlos na magpapatuloy ang anti-criminality checkpoint ng PNP sa buong bansa habang ang korte naman ang magdedesisyon sa kaso ng 22 indibidwal na unang naaresto dahil sa paglabag sa Comelec gun ban.