-- Advertisements --

Simula hatinggabi ng Linggo, ipinatupad na ng PNP ang mga checkpoints sa ibat ibang lugar sa bansa, bilang pagtupad sa Comelec gunban at paghahanda sa barangay at SK elections ngayong buwan.

Ito’y kahit inihayag mismo ng Pangulong Rodrigo Duterte na plano nitong suspendihin ang halalan.

Pero hanggang sa ngayon wala pa ring pinipirmahang kautusan ang Pangulo kaugnay sa pagkansela sa barangay at SK elections ngayong taon.

Kaya tuloy pa rin ang mga inihandang preparasyon ng mga concerned agencies para sa nalalapit na halalan gaya na lamang ng Comelec, PNP at AFP.

Pero maaari namang ipatigil ng Pangulong Duterte ang Comelec gunban kung tuluyan na nitong kanselahin ang eleksiyon.

Sa kabilang dako, ayon naman kay Quezon City Police District (QCPD) Director CSupt. Guillermo Eleazar na regular ang mga isinasagawa nilang checkpoint sa lungsod.

Paalala ni Eleazar sa mga pulis na plain view doctrine lamang ang kanilang ipapatupad sa mga checkpoint at hindi na kailangan pang pababain sa sasakyan ang driver.

Aniya, hindi kailangan kapain o halughuhin ang mga gamit ng mga pasahero at motorista.