DAVAO CITY – Ipinapaubaya na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapaliwanag kaugnay sa mga nangyaring aberya sa mga vote-counting machines (VCMs) sa maghapong botohan sa buong bansa.
Sa press briefing matapos bumoto sa Davao City, sinabi ni Pangulong Duterte na hayaan munang magpaliwanag ang COMELEC bago magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon kay Pangulong Duterte, iginagalang ng Ehekutibo ang pagiging independent commission ng COMELEC.
Samantala, naniniwala rin si Pangulong Duterte na walang major incident o kaguluhan para madiskaril ang eleksyon sa bansa.
Inihayag ni Pangulong Duterte na kontrolado ng security personnel ang sitwasyon sa Lanao, Cotabato, Sulu at Maguindanao kung saan may naganap na mga pagsabog.
Balak pa nga daw ni Pangulong Duterte na puntahan ang Lanao del Sur pero pinayuhan siyang huwag ituloy dahil tiyak na dudumugin siya ng mga pulitiko doon at mapagkamalan pang may ikinakampanyang kandidato kung kailan bawal na ang mangampanya.